top of page

Bawian Portion

“Babawian din kita!” sigaw ng maraming Pilipino – mayaman, mahirap, matanda, bata. Bawi… bakit nga ba gustong gusto nating makabawi tuwing may nagawa ang kapwa natin? Ayaw talagang magpalamang eh no? Mula sa pinakamataas na opisyal, mga may-ari ng malalaking korporasyon, mga karaniwang tao, hanggang sa dukha – hindi pwedeng malamangan, dapat bumawi. Isang halimbawa nalang sa pulitika. Grabe kung makapaglustay ng yaman sa pangangampanya. Mula sa TV ads, flyers, posters, hanggang sa pinamimigay na pera para makabili ng boto. Mababawi rin naman nila yun pagkaupo eh no? Mas malaki pa… Hayup na mga tinamaan ng magagaling. Ang pagtaas ng mga bayarin dahil umano sa mga kakulangan ng kung anu-anong kaululan at utang daw ng bayan. Teka? Bakit niyo samin ipapasa yan, kayo nagdesisyon ng mga bagay na yan tapos samin ang sisi… Tungkulin niyong pagsilbihan ang mamamayan. Public servants nga di ba, servants. Angdami nating mauungkat dito, pero, tsaka na. Hindi naman yun yung topic eh. Sa malalaking korporasyon na hawak ng mga gahamang kapitalista – dambuhalang mga proyekto na nangangako ng mahahalimuyak na bagay - kapakipakinabang daw para taong-bayan pero unti-unti kang papatayin pagkatapos dahil sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng produkto. Bawing-bawi ang kapital di ba? Hanep yan. Pero teka… wag na tayong lumayo. Bago pa tayo tuluyang humusga ng kapwa eh tignan muna natin ang mga ating mga sarili. Minsan, o sa tingin ko eh madalas, nagawa na nating bumawi sa kapwa. Yung simpleng makaganti lang dahil naagawan tayo ng isang slice ng pizza, nakalimutang imbitahin sa lakad, hindi nabigyan ng souvenir. Kung susuriin, angbabaw di ba? Anong shit yan? Pumunta tayo sa mas seryoso… naranasan mo na bang mapagmalupitan sa CAT o ROTC? Isang paikot-ikot na sistema at pasa-pasang tradition na gawain ng mga opisyal mula pa noong unang panahon. Ang tanong, bakit? …isang makasariling pag-uugali ng tao na tuwing makakatanggap ng pahirap at mabigat na karanasan ay gagawin niya rin iyon sa kapwa pagkatapos. Ang baluktot na pag-uugaling “eh ako angtindi ng dinanas ko dyan eh, bakit ko hahayaang magpasasa siya sino ba siya? Hindi pwede yun!” Ang simpleng hindi pakikisama sa loob ng jeep. Na dahil minsan kang hindi nakaupo ng maayos (dahil ayaw magsiupo ng maayos ng ibang pasahero) at nahirapan dahil isang pulgadang parte nalang ng pwet mo ang nakasayad sa upuan, eh gagawin mo rin sa kapwa mo sa susunod. Pambihira talaga... Hindi na natin namamalayan, na ang malalaking bagay na tinutuligsa natin ay nagmula rin naman sa mga maliliit at simpleng bagay na nakasanayan ng bawat isa sa atin. Hindi matatapos ang paulit-ulit na sirkulo ng pag-uugaling baluktot kung hindi natin sisimulan sa sarili. Magmula sa pinakamaliit at pinakamababaw na dahilan – sa bahay, eskwela, opisina, at lansangan. Ikaw, babawi ka pa ba?

Featured Posts
Check back soon
Once posts are published, you’ll see them here.
Recent Posts
Archive
Search By Tags
Follow Us
  • Facebook Basic Square
  • Twitter Basic Square
  • Google+ Basic Square
bottom of page